Wednesday, October 27, 2004

pagmumuni-muni

pagmumuni-muni

naniniwala ako na kung tunay nga namang nararapat sa iyo ay makakamtan mo. pero paano naman kapag ang nararapat sa iyo ay hindi ang ninanais mo? karapat-dapat pa rin ba ito para sa iyo? sinasabi rin na kapag nakatakda na talaga para sa iyo, kahit na anong mangyari ay mangyayari sa mangyayari pa rin ito. ibig ba sabihin noon na kahit na tumulala na lang ako sa mga bituin at magmuni-muni, mapapasaakin pa rin ang tadhanang nakalaan sa akin? malamang, hindi. iyon siguro ang sagot ng nakararami. "siyempre kailangan mong pagtrabahuan ang kinabukasan mo!" ang isa sa mga maaring maging tugon sa kuro-kuro ko. o di kaya ang walang kakupas-kupas na "do your best and God will do the rest!". naniniwala nga naman ako sa mga iyan, at alam kong wala mararating ang tao kapag wala naman siyang ginagawa upang makaabot kung saan man...

pero hindi ko talaga lubos maintindihan kung bakit ba ang bagay na alam kong makabubuti sa akin at ang lubusuan ko namang pinagsisikapan ay pilit na nalalayo sa akin. kahit na naong nais kong magpatuloy, hindi na maari, dahil mayroon nang mga balakid na nakaharang sa aking daan. sana ay malampasan ko pa ang mga ito... pero iniisip ko pa lang ay tila nahihirapan na ako at nararamdaman ko na tila gusto ko na sumuko. parang wala na rin naman kasing kahahantungan kung magpumilit pa ako. sana na lamang ay mainitindihan ng mga tao sa paligid ko. mahirap ipaliwanang kung ano nga ba talaga ang sanhi ng monologong ito, dahil kahit ako ay naguguluhan rin sa aking mga sinasabi. pero ipinagdarasal ko na sana, sa hinaharap, ay maari akong tumingin pabalik sa panahon na ito at makuha pang ngumiti... dahil, kung papalarin, maiintindihan ko na rin ang mga dahilan ng mga pangyayari.

No comments: